 |
| Receiving the Certificate of Appreciation from BBCMAIS Principal Dr. Baltazar Bulosan with Mrs. Elvira Pomida, Head for Academic Affairs (left) and Ms. Laarni Alo, the School Guidance Counselor (right). |



Una po sa lahat ang aking pagbati sa inyong lahat lalong-lalu na po sa mga minamahal nating mga guro dito sa BBCMAIS. Sa loob po ng apat na taon, ang lugar na ito ang aking naging pangalawang tahanan sapagkat dito ako nag-aral at nagtapos ng high school mga ilang taon na ring ang nakararaan. At ako’y labis na natutuwa kapag ako ay naiimbitahan sa mga ganitong okasyon na kung saan ako ay makikipag-usap sa mga estudyante at mga guro ng paaralang ito.
Alam nyo po nung high school ako, ako ay isang ordinaryong estudyante lamang. Pumupunta dito sa umaga, uwi ng tanghali, pasok bago mag-ala una at uwi ng hapon. Ang baon ko noon ay 5 pesos sa maghapon. Tag isang piso ang pedicab nuon, apat na sakay sa maghapon, apat na piso lahat, may tira pang isang piso na pang isang ice candy na rin nun. Pero ang ginagawa ko nun para matipid pa ang isang piso, kapag hapon, naglalakad na lang ako pauwi, hindi masyadong mainit at masayang maglakad kasama ng mga classmates, kwentuhan, debate, at tawanan.
Ganito kami nuon, simple lamang ang buhay; mahirap, dahil lahat anak-mahirap, pero masaya. Ganun karamihan ang karaniwang estudyante nuon dito sa agro. Di ko gustong magkumpara dahil magkaibang-magkaiba ang ginagalawan nating panahon. Wala pa pong internet at cellphone nuon, pag gusto mong manuod ng tv makikinuod ka lang sa kapitbahay, uso nuon ang komiks at mga pocketbook bilang libangan, wala pa pong videoke nuon at itunes, usb o mga music downloads, kung gusto mong kumanta nun, bili ka nga songhits, pag wala kang budget, kumopya ka na lang sa kaibigan mo ng bagong kanta gamit ang notebook at saka ka kumanta ng kumanta, may gitara minsan pag marunong, pag hindi marunong, accapela na lang.
Sa ngayon, matapos ang ilang taon, may mga kaklase akong naging guro na rin, may engineer, may nurse, may accountant, at maraming ring kagaya ko na nasa gobyerno. At alam niyo po, may mga abogado na rin na nag-highschool dito, seaman, mga OFW sa ibang bansa, negosyante at kung ano-anu pang propesyon. At alam kong lahat sila ay nagsasabing bahaging-bahagi ang paaralang ito sa aming pagkamit ng aming mga inaasam sa buhay. Dito kami nagsimulang maghabi ng pangarap at dito kami natutong magpurisige sapagkat mahirap ang buhay.
Para po sa akin, ang agro ay paaralan ng mga mahihirap. Mahihirap na gustong gumanda ang buhay. Ito ang paaralan na maghahatid sa tagumpay lalong-lalo sa mga taong may determinasyon. Alalahanin nating lahat na karamihan sa mga mayayaman ngayon sa Pilipinas, nagsimula sa pagiging mahirap. Kahit itanong natin kay Henry Sy, Lucio Tan, Manny Pangilinan, Manny Villar at napakarami pang iba.
Huwag niyong ikahiya ang kahirapan sapagkat ito ang daan patungong maliwanag na kinabukasan. Tingnan niyo po ang mga sarili ninyo ngayon, ang gaganda ng mga suot ninyo. Kagalang-galang kayong tingnan lahat. Kung naririto ang mga nanay at tatay ninyo, sigurado akong ang saya-saya nila ngayon sapagkat yan din ang pangarap nila sa inyo baka hindi niyo pa alam. Kaya naman sa araw na iton angkinin niyo ang suot niyo ngayon. Magpapicture kayo, selfie o groupie pa, depende sa gusto mo. At saka ipost ninyo sa FB, itag niyo lahat ng friends para naman may souvenir kayo matapos ang araw na ito. At matapos ang ilang taon, gawin niyo iton pang-Thursday throwback niyo. Sigurado akong matutuwa nito ang buong bayan, sapagkat, may inaasahan sila sa inyo. At ito ang hamon ko sa inyo, matapos ang ilang taon, itapat niyo ang picture niyo ngayon sa picture niyo na suot-suot na ang tunay na uniform niyo. Lagyan niyo sa baba ng year, halimbawa ngayon, 2014 at sa katabing picture 2018 o 2019 o 2020 pa kaya, depende sa haba ng course niyo at kung naka-ilang shift kayo ng course o naglipat-lipat ng school. At sa baba, pwede pang lagyan niyo ng instructions na hanapin ang pagkakaiba o spot the difference, ten objects. Pag nagawa niyo yan, hindi yung perfect score ha, ibig kong sabihin, yung pagtapatin ang kayo ngayon at ang kayo bukas na suot-suot pa rin ang unipormeng yan, sasaludo sa inyo lahat ng inyong mga guro ngayon sapagkat nagbunga din sa wakas ang kanilang pagdurusa sa inyo.
Pero sana naman ngayon pa lang alam niyo na ang gustong niyong mangyari sa inyong buhay para hindi kayo malito kung anong larangan ang inyong papasukin. Baka naman yung suot niyong yan, hindi niyo naman talaga gusto, nakiuso lang kayo o kaya naman dahil mas madaling makahanap at makapanghiram ng costume na yan. Kung yung suot mo ngayon napilitan ka lang, sapagkat wala ka ng mapagkunan, tumingin-tingin ka sa paligid, tandaan niyo na kung kanino kayo makikipagpalit ng uniporme, at magpalitan kayo ng damit bago pa kayo magselfie.
Magsikap kayo, abutin ang pangarap. Kung tutuusin nga, mas madali ngayon ang pag-abot ng tagumpay sapagkat ang pamahalaan ay naglalaan na ngayon ng mga scholarship program. Hindi ganun kadali at kalaki ang mga scholarship program nuon kumpara sa ngayon. Ang kailangan mo lang ay magtanung-tanong at magsaliksik.
Sa ngayon po, ako ay naatasang hawakan ang isang scholarship program para sa mga gumradwet ng first honor at second honor, o valedictorian at salutatorian. Sa loob po ng tatlong taon, meron na pong 20 scholars po ngayon ang local na pamahalaan. Ang mga scholars na ito ay nakatatanggap ng 20 thousand pesos bawat taon. Ibig sabihin nito, sa pagpaenrol pa lang, tumatanggap na sila ng 5 thousand pesos at 1 thousand pesos na allowance bawat buwan. Bale sa bawat semester na binubuo ng limang buwan, 10 thousand pesos ang tinatanggap nila at dahil dalawang semester, umaabot ng 20 thousand pesos sa loob ng isang school year. Kung halimbawa, sa kung anong kadahilanan, ay hindi tinanggap ng valedictorian o salutarian ang kanilang scholarship, and 3rd honor or 1st honorable mention and makakakuha ng slot. Sa aking pong palagay, ito yana ang scholarship program sa ating rehoyon na napakalaki ng binibigay na benepisyo.
Kaya naman, ang scholarship na ito ay isang malaking hamon sa mga honor students na nandito ngayon. Ito ay isang malaking tagumpay sapagkat napakalaking ginhawa nito sa mga mabibigyan. Alam niyo po, sa susunod na taon, ang unang batch ay papasok na nang fourth year at sa 2016, gagagraduate na po sila at halos lahat sila ay gagagraduate na cum laude. Bakit ko nasabi ito? Sapagkat isa sa mga kondisyon ng kanilang scholarship ay kailangang mamaintain nilang ang hindi bababa sa 2.0 na grado. Sa college po, ang pinakamataas ay 1.0.
Kung gayon, sana naman po ay pagsumikapan ninyo na mapasainyo ang scholarship na ito. Hindi po ito imposible lalong-lalu na po sa mga kagaya ninyong nagsusumikap. At pag-abot ng ganito pong kalaking pangarap, kinakailangan din po, higit sa lahat, ang pagdarasal na sana’y samahan kayo ng Panginoon sa bawat hakbang. Dinig na dinig ng langit an gating mga panalangin.
Sa bawat pagtatapos ng araw o bago kayo mahiga sa gabi, itanong ninyo sa inyong sarili kung kayo po ba ay mas lalong napapalapit sa inyong pangarap. Kung sa bawat araw ang inyong ginagawa ay napapalayo kayo sa inyong pangarap, unti-unti niyo rin pong inilalayo ang inyong mga sarili sa mga suot-suot niyong costume ngayon at papalapit ng papalapit kayo sa madilim na kinabukasan. Mahirap ang maging mahirap. Kaya sa ngayon pa lang ipangako ninyo sa inyong mga sarili na mula sa araw na ito, tinatapos na ninyo ang napakaraming taon nang kahirapan sa inyong buhay. Ito ay personal ninyong desisyon, walang kinalalaman dito ang inyong guro at mga magulang. Pagdating ng araw, wala kayong ibang unang-unang babatiin sa inyong tagumpay o di kaya’y unang-unang sisisihin kundi sarili din ninyo.
Kung mahal ninyo ang sarili ninyo, mag-aral kayo.
Kung gusto ninyong matupad lahat ng pangarap niyo, magsikap kayo.
At maniwala kayo sa sarili ninyo ng isang daang porsiyento. May angking talino at kakayahan ang bawat isa sa inyo. Ito’y inyong pagyamanin at payabungin. At sikaping hindi lang magaling kundi pinakamagaling sa inyong napiling larangan.
Simulan niyo na, hindi bukas o sa susunod na mga taon. Kung hindi, ngayon na.
Kumilos ka, now na!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento